Noong bata pa si Jen, nagturo ang guro niya sa Sunday school ng paraan ng pagbabahagi ng Mabuting Balita, kasali doon ang pagkabisa ng ilang talata at isang formula kung paano iyon gagawin. Kinakabahan man, sinubukan nila ito ng kaibigan niya sa isa pa nilang kaibigan. Natakot sila na baka may malimutan silang importanteng talata o hakbang. Hindi na maalala ni Jen kung paano natapos ang usapan, pero parang mas nakatuon ang paraang iyon sa formula kaysa sa tao.
Ngayon, pagkatapos ng mga taon, minomodelo na ni Jen at ng asawa niya ang pag-ibig ng Dios sa sarili nilang mga anak at ibinabahagi nila ang kanilang pananampalataya sa mas nakakaengganyong paraan. Naiintindihan nila ang kahalagahan ng pagtuturo sa anak ng tungkol sa Dios, sa Biblia, at sa personal na relasyon kay Jesus, pero ginagawa nila iyon sa pamamagitan ng araw-araw na halimbawa ng pag-ibig sa Dios at sa Kasulatan.
Ipinapakita nila kung ano ang ibig sabihin ng pagiging “ilaw ng mundo”(Mateo 5:14) at pag-abot sa iba sa pamamagitan ng kabaitan at mga palakaibigang salita. Sinabi ni Jen, “Hindi natin kayang mag-iwan ng mga salita ng buhay sa iba kung wala iyon sa atin.” Habang ipinakikita nilang mag-asawa ang kabutihan sa sarili nilang buhay, hinahanda din nila ang mga anak nila sa pag-aanyaya sa iba patungo sa kanilang pananampalataya.
Hindi natin kailangan ng formula para dalhin ang iba kay Jesus—ang pinakaimportante ay nagliliwanag sa atin ang pag-ibig para sa Dios. Habang nabubuhay tayo at ibinabahagi natin ang pag-ibig Niya, inilalapit din ng Dios ang iba para makilala din nila Siya.