Isang tagapag-ayos ng relo ang bumisita sa amin upang ayusin ang aming antigong relo. Maya-maya ay inilawan niya ang isang marka sa likod ng relo na inaayos niya at sinabi niya sa akin, “Nakikita mo ang maliit na marka na iyon? Ang tawag doon ay “witness mark.” Isang tagapag-ayos din ng relo ang naglagay noon maaaring isang siglo na ang nakalilipas.”
Noong panahong hindi pa uso ang mga makabagong paraan ng pag-aayos ng sirang gamit, ang “witness mark” ay ginagamit upang matulungan ang taong susunod na mag-aayos ng sirang gamit para magawa nang may katiyakan ang mga piyesang gagalawin. Hindi lamang nakakatulong ang witness mark para mas mapadali ang paggawa. Ito ay tila isang tanda rin ng kabutihang-loob para sa susunod na mag-aayos ng sirang bagay.
Hinihikayat din naman tayo ng Biblia na mag-iwan tayo ng ating “witness mark” habang ginagawa natin ang nais ng Dios na paglilingkod sa iba. Isinulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Roma: “Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya” (Roma 15:2). Ito ang halimbawa ng ating Dios “na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa” (T.5). Isa rin itong tanda ng pagiging mabuting mamamayan ng mundong ito at ng langit.
Maaaring isang maliit na bagay lamang ang “witness mark” na gagawin natin pero maaari itong makapagbago sa buhay ng iba. Ang simpleng kagandahang-loob ay maaaring hindi makalimutan ng ibang taong tutulungan natin. Nawa ay tulungan tayo ng Dios na makapag-iwan ng marka sa buhay ng iba.