Kamakailan lamang ay lumipat kami ng bagong tirahan. Hindi ito kalayuan sa aming dating bahay. Pero kahit malapit lang ito, kailangan pa rin naming mag-arkila ng sasakyan para mahakot ang mga gamit namin. Ilang araw ding nanatili sa sasakyan ang mga gamit namin dahil sa napatagal na pagproseso sa pagbili namin ng bahay.
Pero kahit tila wala kaming permanenteng bahay noong mga panahong iyon, hindi ko naramdaman na wala akong tinitirhan. Kasama ko kasi ang maituturing kong aking tunay na tahanan – ang aking pamilya.
Matagal na panahon ding nawalan ng tirahan si David. Siya ang susunod na hari ng Israel pero palagi siyang tumatakas dahil nais siyang patayin ni Haring Saul. Nagpalipat-lipat siya ng lugar na tinitirhan. Kahit na may mga nakakasama si David sa pagtakas niya, ang pinakaninanais ng puso ni David ay ang “manirahan sa templo [ng Dios]” – ang makapiling ang Dios at makasama Siya habambuhay (Salmo 27:4).
Palagi nating kasama si Jesus at Siya ang ating “tirahan” kahit saan man tayo pumunta. Kasama natin Siya sa kasalukuyan nating mga pagsubok at nangako Siya na ipaghahanda Niya tayo ng lugar kung saan makakasama natin Siya magpakailanman (Juan 14:3). Kahit na paiba-iba man tayo ng lugar na tinitirhan dito sa lupa, darating ang panahon na magkakaroon tayo ng permanenteng tirahan at sa piling iyon ng ating Panginoon.