Minsan, lumangoy si Derek kasama ang kanyang anak na lalaki. Napansin niya na nahihiyang tanggalin ng kanyang anak ang t-shirt nito dahil sa birthmark niya sa kanyang dibdib na umaabot hanggang braso niya. Para matulungan ni Derek ang kanyang anak, nagpa-tattoo si Derek sa kanyang katawan ng katulad sa birthmark ng kanyang anak. Tiniis ni Derek ang mahaba at masakit na proseso ng pagpapa-tattoo para lamang sa kanyang anak.
Parang ganoon din ang pag-ibig ng Dios. Dahil tayo “ay mga taong may laman at dugo” (Hebreo 2:14), naging tao rin si Jesus upang mapalaya tayo sa kapangyarihan ng kamatayan (Tal. 14). “Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Jesus” (Tal. 17) upang ayusin ang ating relasyon sa Dios.
Tinulungan ni Derek na maalis ang hiya ng kanyang anak nang maging “katulad” siya nito. Ganoon din naman, tinulungan tayo ni Jesus na mapagtagumpayan ang ating malaking problema – ang pagkaalipin sa kamatayan. Napagtagumpayan Niya ito nang maging katulad natin Siya at nang mamatay Siya sa krus para sa atin.
Dahil nagkatawang-tao si Jesus, maaari natin Siyang pagkatiwalaan sa mga panahong nahihirapan tayo. Tuwing nakararanas tayo ng mga pagsubok, makakaasa tayo sa kalakasang nagmumula kay Jesus dahil matutulungan Niya tayo (Tal. 18). Katulad ng isang mapagmahal na ama, nauunawaan at minamahal tayo ng Dios.