Minsan, nilapitan ako ng aking apat na taong gulang na apo at hinawakan ang aking kalbong ulo. Tanong niya, “Lolo, ano pong nangyari sa buhok ninyo?” Natawa ako at sinabi ko sa kanya, “Apo, sa pagdaan kasi ng panahon ay naubos na ito.” Nakita ko sa mukha niya ang hitsura ng pag-aalala at sinabi niya sa akin. “Nakakalungkot naman po iyon. Bibigyan ko na lang po kayo ng buhok ko.”
Napangiti ako sa pag-aalala ng aking apo at niyakap ko siya. Dahil sa ginawa niyang iyon ay napaisip din ako sa lubos na pag-ibig sa akin ng Dios.
Isinulat ni G.K. Chesterton: “Tumatanda tayo at nagkakasala, pero ang ating Dios ay hindi tumatanda.” Nais niyang sabihin dito na ang ating Dios ay hindi nagbabago at ang pagmamahal Niya sa atin ay hindi kumukupas. Nais at kayang tuparin ng Dios ang Kanyang mga pangako na nakasulat sa Isaias 46: “Aalagaan Ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha Ko kayo kaya kayoʼy aalagaan Ko.”
Mababasa pa natin sa sumusunod na limang talata, “Ako lang ang Dios, at wala nang iba pang katulad Ko” (Tal. 9). Minamahal tayo ng dakilang Dios (Exodus 3:14) at ipinakita Niya ang lubos na pag-ibig Niya sa atin nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus para sa kabayaran ng ating mga kasalanan. Ginawa Niya ito upang lumapit tayo sa Kanya at purihin Siya magpakailanman.