Ano ang mangyayari kung may kakayanan ang anumang damit na linisin ang kaniyang sarili kahit malagyan ito ng ketsup o mantsa? Ayon sa BBC, may mga dalubhasa sa China na nakadiskubre ng paraan para maging totoo ito.
Higit naman sa kalinisang maibibigay ng imbensyong ito ang kayang gawin ng Dios na naglilinis ng ating kaluluwa. Sa Lumang Tipan, galit ang Dios sa mga tao dahil sa kanilang pagtataksil, korupsyon, kasamaan at pagsamba sa ibang dios (Isaias 1:2-4).
Mas tumindi ang Kanyang galit noong sinubukan ng taong linisin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog, pagsusunog ng mga insenso, at mga pagtitipon sa kabila ng patuloy na paggawa ng masama (Tal. 12-13). Ang dapat na lamang ginawa ng tao ay magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan sa banal at mapagmahal na Dios. Sa kagandahang-loob ng Dios, lilinisin Niya tayo at gagawing kasing puti ng snow ang ating espirituwal na buhay (Tal. 18).
Sa pamamagitan ng Kanyang kahabagan, magagawa ng Dios na malinis ang sinumang makasalanan. Kapag tayo ay nagkakasala, walang anumang imbensyon ang may kakayanang maglinis sa atin. Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at nagsisising puso, dapat nating ihayag ang ating mga kasalanan sa banal na Dios. Talikuran natin ang ating mga kasalanan at magtiwala sa Panginoong Jesus. Patatawarin Niya tayo sa ating kaparusahan sa kasalanan at magkakaroon tayo ng maayos na relasyon.