Isang kaibigan ang bigla na lamang lumayo sa akin ng walang dahilan. Mula noon, nahirapan na akong makipagkaibigan sa iba. Naalala ko tuloy ang sinabi ni C.S. Lewis sa kanyang isinulat na libro na The Four Loves. Ayon kay Lewis, ang tunay na pag- ibig ay mayroong kahinaan at panganib. Kapag umiibig raw tayo, binibigyan natin ng kapangyarihan ang ibang taong na saktan tayo o hindi tugunin ang ating pagmamahal. Naalala ko tuloy ang ikatlong beses na pagpapakita ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod pagkatapos Siyang mabuhay muli (Juan 21:1-14), at matapos na itanggi Siya ni Apostol Pedro ng tatlong beses (18:15-27).
Sinabi ni Jesus, “Pedro, mahal mo ba Ako ng higit sa pagmamahal nila?” (21:15).
Kahit Siya ay itinakwil at itinanggi, nagawa pa rin ni Jesus na kausapin si Pedro nang may kababaang-loob, habag at pag-ibig. Ipinadama ni Jesus ang Kanyang habag at pagmamahal sa halip na magalit.
Ayon sa Biblia, nasaktan si Pedro nang tatlong beses siyang tinanong ni Jesus tungkol dito (Tal. 17). Hinamon ni Jesus si Pedro na patunayan ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagkalinga sa ibang tao (Tal. 15-17) at pagsunod kay Jesus (Tal. 19). Hinikayat din ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na magmahal ng walang kundisyon. Tayong lahat ay kailangang handang sumagot sa tanong ni Jesus na “Mahal mo ba Ako?” Anumang sagot natin ay magkakaroon ng epekto kung paano natin mahalin ang iba.