Ang Earth Day ay ginugunita tuwing Abril 22 ng bawat taon. Nang mga nagdaang taon, isang bilyong tao sa halos dalawang daang bansa ang nakikilahok sa mga gawaing ukol sa edukasyon at paglilingkod. Kada taon, ipinapaalala ng Earth Day ang kahalagahan ng pagkalinga sa ating napakagandang mundo. Subalit, ang pagmamalasakit sa sanlibutan ay hindi lamang nagsimula noong Earth Day kundi noon pa man noong likhain ito.
Sa Aklat ng Genesis sa Biblia, nalaman natin na nilikha ng Dios ang kalawakan at hinugis Niya ang ating mundo upang may matirahan ang tao. Hindi lamang mga bundok at kapatagan ang Kanyang ginawa, nilikha rin ng Dios ang Halamanan ng Eden, isang napakagandang lugar na nagbibigay ng pagkain, tirahan at kaayusan (Genesis 2:8-9).
Pagkatapos Niyang hingahan ang tao na pinakaimportante sa lahat ng Kanyang mga nilikha, dinala ng Dios ang tao sa halamanan (Tal. 8, 22) at binigyan sila ng tungkuling alagaan ito (Tal. 15). Kahit naging mahirap ang pag-aalaga sa kalikasan noong paalisin sina Adan at Eba sa halamanan (3:17-19), nanatili pa rin ang Dios sa pagkalinga sa Kanyang mga nilikha (Salmo 65:9-13). Kung kaya, tayo rin naman ay Kanyang inaasahang patuloy na mangalaga (Kawikaan 12:10).
Tayo man ay nabubuhay sa masikip na lungsod o sa kabukiran, mayroon tayong mga pamamaraan na magmalasakit sa mga nilikhang ipinagkatiwala sa atin ng Dios. At habang nag-aalaga tayo ng mga nilikha, sana ay gawin natin ito ng may pagpapasalamat.