Ibinahagi ng aking kaibigan na palagi siyang tinatanong ng kasama niya sa simbahan kung saang partido ng pulitika siya umaanib. Ang layunin ng kanyang pagtatanong ay upang alamin kung may pagkakapareho ba sila ng paniniwala sa mga isyu ng lipunan. Sa kagustuhan niyang bigyang-pansin na lamang ang kanilang pagkakatulad, ito ang naging sagot ng aking kaibigan: “Dahil pareho tayong naniniwala sa Dios, iyon na lamang ang gawin nating sentro ng ating pagkakaisa.”
May pagkakaiba-iba rin naman ang mga tao noong panahon ni Apostol Pablo sa iba’t-ibang isyu gaya ng ano ang dapat kainin o anong araw ang banal. Ang mga paksang ito ay nagiging dahilan ng hindi pagkakaunawaan ng mga nagtitiwala kay Jesus sa Roma. Kahit na masidhi ang kanilang paniniwala, ipinaalala ni Pablo ang kanilang pagkakapareho: ang mabuhay para kay Jesus (Roma 14:5-9).
Sa halip na husgahan ang ibang tao, hinikayat niya na “gawin lagi ang mga bagay na magbibigay ng kapayapaan at makakapagpatibay sa isaʼt isa” (Tal. 19).
Sa panahong maraming bansa, simbahan at komunidad ang nahahati sa iba’t-ibang isyu, maaari nating ituon ang pansin ng bawat isa sa katotohanang nagdudulot ng pagkakaisa dahil sa ginawang pag-aalay ng buhay ni Cristo sa krus. Nang sa gayon, magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Ang paalala ni Pablo na huwag nating “sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Dios” (Tal. 20) ay napapanahon pa rin hanggang ngayon. Sa halip na husgahan ang iba, maaari tayong umibig at mabuhay sa paraang nagbibigay karangalan sa ating mga kapatid.