Ang ibon ng Australia na tinatawag na honeyeater ay hindi na nakakaawit kagaya ng dati. Tatlong daan na lamang ang natitira sa kanilang lahi. Hindi katulad ng dati na napakarami. Nakakalimutan na rin ng mga ibon na ito ang tono ng kanilang paboritong awitin. At dahil dito, ang mga lalaking ibon ay hindi na makaakit ng babaeng ibon para dumami ang kanilang lahi.
Dahil dito, nagplano ang mga taong tumutulong na maging maayos ang kalikasan upang mailigtas ang mga ibong ito. At ito’y sa pamamagitan ng pag-awit sa kanila. Pinapatugtog nila ang awit ng ibang honeyeater upang maalala nila ang kanilang awitin. Sa pamamagitan ng ganitong paraan ay umaasa sila na dadami muli ang lahi ng ibong ito at magbabalik ang kanilang mga awitin.
Binalaan naman ni Propeta Zefanias ang mga tao na dahil sa kanilang kasamaan, kalapastanganan at mga kasalanan ay nalalapit na ang pagdating at paghatol ng Dios (Zefanias 3:1-8). Ngunit paano kami makakaawit sa Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin (Salmo 137:4). Nakita ni Zefanias ang maaaring mangyari matapos ang paghatol ng Panginoon. “Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Katulad Siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo. Magagalak Siya sa inyo, at sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig ay babaguhin Niya ang inyong buhay. Aawit Siya nang may kagalakan dahil sa inyo”(Zefanias 3:17). Sa pamamagitan nito, ang mga anak ng Dios ay makakaawit nang muli (Tal. 14).
Maaaring may pagkakataon na hindi rin tayo makaawit dahil sa ating mga kasalanan at katigasan ng ulo sa pagsunod sa Panginoon. Ngunit ating alalahanin na ang tinig ng Panginoon ay hindi magsasawang magpatawad at magmahal sa atin. Patuloy nating pakinggan ang Kanyang mga awitin.