Noong una ay napaliit ng chemotherapy ang bukol ng aking lalakeng biyenan sa kanyang pancreas hanggang sa dumating ang panahon na hindi na naging epektibo ito. Tinanong niya ang kanyang doktor kung kailangan niya pa bang magpatuloy sa chemotherapy o kailangang sumubok ng ibang gamot.
Kapareho nito ang tanong ng mga taga Juda noong nanganganib ang buhay nila. Nang nag-aalala sila sa digmaan at kagutuman, hindi nila alam kung kulang o labis ang kanilang ginagawa para sa kanilang dios-diosan (Jeremias 44:17).
Ayon naman kay Propeta Jeremias, mali ang kanilang pagsusuri sa sitwasyon sapagkat hindi nila problema ang kakulangan o kalabisan ng kanilang ginagawa sa kanilang dios-diosan. Ang problema ay ang pagsamba nila sa mga ito. Sinabi nila kay Jeremias, “Hindi kami maniniwala sa mga sinasabi mo sa amin sa pangalan ng Panginoon” (Tal. 16). Ito naman ang sagot ni Jeremias, “Nangyari ang kapahamakang ito sa inyo dahil nagsunog kayo ng mga insenso sa mga dios-diosan at nagkasala sa Panginoon. Hindi kayo sumunod sa mga kautusan, mga tuntunin at mga katuruan Niya” (Tal. 23).
Katulad ng mga taga Juda, may mga pagkakataon na tayo ay natutukso na gumawa ng kasalanan upang mabawasan ang ating mga kinakaharap na pagsubok. Ang problema sa relasyon? Iniiwasan natin. Problema sa salapi? Gumagastos tayo ng labis sa ating makakaya. Ngunit ang ating mga dios-diosan ay hindi makakatulong sa ating mga problema. Tanging ang Dios lamang ang makakatulong sa atin kung tunay tayong magtitiwala sa Kanya.