Nasabik magkaroon ng pamilya ang ulilang si Anne, ang bida sa kuwentong Anne of Green Gables. Nawalan na siya ng pag-asa pero, isang araw, nalaman niyang kukupkupin siya nina Mang Mateo, isang matandang lalaki, at kapatid nitong babae na si Aling Marilla. Habang sakay ng kalesa pauwi sa bagong tahanan, masayang nagkukuwento si Anne. Kinalaunan, humingi siya ng paumanhin dahil sa kadaldalan. Pero sabi ng tahimik na taong si Mang Mateo, “Ayos lang sa akin; puwede kang magsalita hangga’t gusto mo.” Ah, tila musika ito sa tenga ni Anne kasi dati pakiramdam niya ayaw ng tao na makasama siya, lalo pa ang makinig sa kuwento niya.
Kaya lang, pagdating sa bahay, nalungkot siya nang nalamang akala ng mga magiging kapatid niya na lalaki ang kukupkupin para makatulong sa bukid.
Marahil naramdaman na rin natin na ayaw sa atin ng mga tao at mag-isa tayo. Pero ‘pag naging bahagi na tayo ng pamilya ng Dios sa pamamagitan ng kaligtasang handog ni Jesus, Siya na ang tanggulan at tahanan natin (Mga Awit 62:2). Kinagigiliwan Niya tayo at inaanyayahan tayong sabihin ang lahat sa Kanya: ang mga alalahanin, kahinaan, dalamhati, at pangarap natin. Sabi sa Mga Awit 62, maaari tayong umasa sa Dios na Siyang pag-asa natin at puwede rin nating ibuhos sa Kanya ang mga pasanin natin (Tal. 5, 8).
Huwag nang mag-atubili. Ayos lang sa Dios na kausapin Siya gaano man kadalas natin gusto at kailangan. Kinagigiliwan Niya tayo at sa Kanya natin matatagpuan ang tahanang pinananabikan natin.