Noong Nobyembre 1742, nagkagulo sa Staffordshire, sa bansang England. Ipinoprotesta ng mga tao ang Magandang Balita na ipinapahayag ni Charles Wesley. ‘Di nila matanggap na may mga tradisyon sa simbahan na binabago ng ipinapahayag ng magkapatid na sina Charles at John Wesley.
Nang nalaman ang kaguluhan, pumunta agad si John para tulungan si Charles. Mabilis napalibutan ng nagpoprotesta ang kinaroroonan ni John pero buong-loob niyang hinarap at maamong kinausap ang mga lider ng grupo hanggang isa-isang humupa ang galit nila.
Napakalma ang galit ng mga tao ng maamo at mapayapang diwa ni John. Pero hindi ito pagkamaamo na likas sa kanya kundi ang puso ng Tagapagligtas na taimtim niyang sinusunod. Sabi ni Jesus, “Pasanin ninyo ang Aking pamatok at matuto kayo sa Akin sapagkat Ako’y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa Akin ng kapahingahan” (Mateo 11:29). Ang pamatok ng pagkamaamo ang naging tunay na lakas sa hamon ni Apostol Pablo sa atin: “Kayo’y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa’t isa” (Efeso 4:2).
Hindi likas sa tao ang ganyang uri ng tiyaga, pero sa pamamagitan ng bunga ng Espiritu sa atin, maaari tayong ibukod ng maamong puso ni Cristo at ihanda sa pagharap sa mundong puno ng galit. At kapag nagawa natin iyon, natutupad natin ang salita ni Apostol Pablo, “Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob” (Filipos 4:5).