Dahil sa matinding sakit na naramdaman ko, napilitan akong manatili sa kuwarto sa mga unang araw ng bakasyon namin. Naging makulimlim ang damdamin ko tulad din ng kalangitan. Nang nakapasyal ako sa malapit na parola kasama ang asawa ko, nakita kong natakpan ng maiitim na ulap ang magagandang tanawin.
Gayunpaman, kinuhanan ko pa rin ng larawan ang madilim na kabundukan at mapanglaw na tanawin. Kinagabihan malakas ang ulan kaya nasa kuwarto na lang kami kahit maaga pa. Malungkot kong tinitingnan ang mga larawan sa kamera nang nanlaki ang mga mata ko. Inabot ko ang kamera sa asawa ko at sinabing, “May bahaghari!” Nakatuon ako sa makulimlim na kalangitan kaya ‘di ko pala napansin ang biyaya ng Dios na pampasigla sa nanlulumo kong kalooban gamit ang hindi inaasahang sulyap ng pag-asa (Genesis 9:13-16).
Madalas tayong manlumo’t mawalan ng pag-asa kapag dumadanas ng matinding pagsubok. Sabik tayong manumbalik ang sigla natin at nais natin ng paalala ng kapangyarihan at pagkilos ng Dios (Salmo 42:1-3). Sa pag-alaala natin ng mga tulong ng Dios sa atin sa nakaraan, makatitiyak tayo na sigurado ang pag-asa natin sa Dios kahit nanlulumo tayo (Tal. 4-6).
Kapag pinalalabo ng paghihirap ang paningin natin, hinihikayat tayo ng Dios na dumalangin sa Kanya, magbasa ng Biblia, at magtiwala sa katapatan Niya (Tal. 7-11). Makakaasa tayo na tutulungan tayo ng Dios na makita ang bahaghari ng pag-asa na nakaarko sa pinakamadilim bahagi ng ating buhay .