“Mahal kong kaibigan, minsan kung magsalita ka para bang mas banal ka kaysa sa totoong ikaw.” Sinabi iyan ng kaibigan at tagapayo ko na may maamong ngiti habang nakatingin sa mata ko. Kung iba ang nagsabi baka nasaktan ako pero malaki ang pagpapahalaga ko sa pagtitimbang niya ng mga bagay bagay. Napangiwi ako pero natawa rin kasi kahit may kurot sa puso ang sinabi niya, alam kong tama siya.
Minsan ‘pag pananampalataya ang pinag-uusapan, nakakagamit ako ng mga salitang hindi karaniwan sa akin kaya parang hindi ako matapat. Mahal ako ng kaibigan ko at tinutulungan niya akong mas maging epektibo sa pagbabahagi sa iba ng tunay kong pinaniniwalaan. Isa sa pinakamagandang payo na natanggap ko ang sinabi niya.
Kita sa ginawa ng kaibigan ko ang katotohanan ng sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa sa halik ng isang kaaway” (Kawikaan 27:6 MBB). Laking pasalamat ko na nagmalasakit siya at sinabi niya ang bagay na kailangan kong marinig, kahit pa alam niya na baka hindi ito madaling tanggapin. Madalas hindi nakakatulong kapag sinasabi lang sa atin kung ano ang akala ng iba na gusto nating marinig. Paano tayo magiging mas mabuting tao kapag ganoon?
Maaaring kabutihan ang pagsasabi ng tapat kung nagmumula sa pag-ibig na tunay at may pagpapakumbaba. Bigyan nawa tayo ng Dios ng katalinuhan para tanggapin ito at ibahagi nang maayos, bilang salamin ng pag-ibig Niya.
