Sabi ng mga mananaliksik may ugnayan ang pagkamapagbigay at kagalakan: mas masaya ang nagbibigay ng pera at oras sa iba kaysa sa hindi. Sabi ng isang sikologo, “Huwag na nating isipin ang pagbibigay bilang moral na pananagutan at simulan itong isipin bilang pinagmumulan ng kasiyahan.”
Nakakapagdulot man sa atin ng kasiyahan ang pagbibigay, pero kasiyahan ba talaga ang dapat na maging layunin? Kung magbibigay lang tayo sa mga tao at sa mga gawaing nakapagpapasaya sa atin, paano na ang mga mas mahirap o nakakainip na bagay na nangangailangan din ng suporta natin?
Sa Biblia, iba ang batayan ng ugnayan ng magbigay at magalak. Matapos magbigay ng sariling yaman para sa paggawa ng templo, inanyayahan ni Haring David ang mga Israelita na magbigay rin (1 Cronica 29:1-5). Bukas palad at may galak silang nagbigay ng ginto, pilak, mahalagang bato (Tal. 6-8). Ang dahilan ng galak: “Masayang-masaya ang mga tao sa ...kusang loob na paghahandog kay Yahweh” ng mga pinuno nila “at labis din itong ikinatuwa ni Haring David” (Tal. 9).
‘Di katuruan ng Biblia na magbigay para ikasaya natin, kundi magbigay nang taos-puso para matugunan ang pangangailangan. At madalas nga, sumusunod ang kagalakan. Nawa maging mapagbigay din tayo sa iba’t ibang uri ng pangangailangan dahil ibinigay ni Jesus ang sarili para tugunan ang mga pangangailangan natin.