Tanong ng isang pulis ng Atlanta sa Amerika sa motorista, “Alam mo ba bakit kita pinahinto?” “Hindi po.” Marahang paliwanag ng pulis, “Nagtetext ka kasi habang nagmamaneho.” “Hindi po! Email po iyon,” sabi ng drayber at inabot ang selpon sa pulis. Lusot na ba ang drayber sa batas na nagbabawal magtext habang nagmamaneho? Hindi! Hindi naman pag-iwas sa pagtext ang punto ng batas kundi pag-iwas sa abala sa pagmamaneho.

Noong panahon ni Jesus, inakusahan Niya na gumagawa ng mas malaking palusot ang mga lider ng relihiyon. “Ang gagaling ninyo! . . .pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Dios!” Ito ang sabi ni Jesus laban sa kanila gamit ang ebidensyang “igalang mo ang iyong ama at ina” (Marcos 7:9-10). Ikinakatwiran kasi nila na inilaan na nila ang kanilang pera para sa Dios at iyon na ang palusot nila para hindi tulungan ang mga magulang nila sa kanilang pagtanda.

Tinumbok ni Jesus ang problema: “Pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Dios sa pamamagitan ng itinuturo ninyo” (Tal. 13 MBB). Hindi ito paggalang sa Dios kundi kawalan ng paggalang sa mga magulang nila.

Delikado ang pagpapalusot. Sa pamamagitan niyan umiiwas tayo sa responsibilidad, ipinapaliwanag ang pagiging makasarili, at tinatalikuran ang mga utos ng Dios. Panloloko ito sa sarili. Binibigyan tayo ni Jesus ng pagkakataon na ipagpalit ang pagiging makasarili para sa gabay ng Espiritu na nakapaloob sa mabuting patnubay ng Dios Ama.