Sikat na linya ni Dorothy sa The Wizard of Oz ang “Walang lugar na tulad ng sariling tahanan.” Maraming kuwento tulad ng Star Wars at The Lion King ang gumagamit ng ganyang paraan ng pagkukuwento na tinaguriang “the hero’s journey. Ang tema: isang karaniwang tao na may karaniwang buhay ang nagkaroon ng pambihirang karanasan.
Nilisan nito ang bayan niya at pumunta sa ibang lugar kung saan may naghihintay na mga pagsubok, mga gabay, at mga kalaban. ‘Pag nagtagumpay siya sa mga pagsubok na patunay ng kabayanihan, ang huling yugto: bumalik sa sariling tahanan at ibahagi ang natutunan. Mahalaga ang huling bahaging iyan.
May pagkahalintulad din sa hero’s journey ang kuwento ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu sa Marcos 5. Sa huling tagpo, nakiusap siya na isama ni Jesus (Tal. 18) pero sabi ni Jesus, “Umuwi ka na ...sa iyong mga kamag-anak” (Tal. 19). Mahalaga sa paglalakbay ng taong ito na umuwi sa kanyang pamilya at kakilala para ibahagi niya ang kamangha-manghang nangyari sa kanya.
Iba-iba ang paraan – at para saan – ng pagtawag ng Dios sa atin. Para sa iba sa atin, mahalaga para sa ating lakbay pananampalataya na umuwi at ibahagi ang ating kuwento sa mga nakakakilala sa atin. Para sa ilan sa atin, “Walang lugar na tulad ng sariling tahanan” ang layon ng Dios sa atin.