“Bakit hindi ko mapigilang isipin iyon? Parang pinagbuhul- buhol na lungkot, sala, galit, at kalituhan ang naramdaman ko." Ilang taon na ang nakalipas noong nagdesisyon akong makipaghiwalay sa isang taong malapit sa akin matapos nitong itanggi at ipagwalang-bahala ang mga asal niyang nakakasakit sa akin. Ngayon bumalik ang utak ko sa alaala ng nakaraan nang narinig kong narito siya at bumibisita sa bayan namin.

Sinusubukan kong pakalmahin ang isip ko nang may narinig akong tugtog sa radyo. Isang awit na hindi lang tungkol sa sakit ng kataksilan kundi pati na rin sa malalim na pagnanais ng pagbabago at paghilom sa taong nakasakit. Naiyak ako habang pinapakinggan ang awit na nagbigay boses sa damdamin ko.

“Maging tunay ang inyong pagmamahalan,” sulat ni Apostol Pablo sa Roma 12:9 na nagpapaalala na may pag-ibig na hindi tunay. Pero ang malalim na nais ng puso natin – makatagpo ng tunay na pag-ibig: pag-ibig na hindi makasarili o nanggagamit ng tao para sa sariling hangarin kundi pag-ibig na may habag at pagbibigay ng sarili. Pag-ibig na hindi dahil sa takot at gamitan kundi may galak sa kapakanan ng isa’t isa (Tal. 10-13).

At iyan na nga ang Magandang Balita. Dahil kay Jesus, puwede na tayong makatagpo at magkaroon ng pag-ibig na mapagkakatiwalaan – pag-ibig na hindi tayo ipapahamak (13:10). Kalayaan ang mamuhay sa pag-ibig ni Jesus.