Taon na sa dingding ng bahay namin sa Michigan ang palamuting busog at talanga na lagayan ng palaso. Nakuha ito ng tatay ko noong naglilingkod bilang misyonero sa Ghana. Minana ko ito sa kanya. Minsan bumisita ang kaibigang kong taga Ghana at nagulat siya sa nakitang maliit na nakatali sa busog. “Anting-anting iyan. Alam ko walang bisa pero ‘di ko iyan itatago sa bahay ko.” Ginupit agad namin iyon at itinapon. Ayaw namin ng kahit anong bagay na para sa pagsampalataya sa kahit sino maliban sa Dios.

Isang hari ng Jerusalem noon si Haring Josias. Lumaki siyang hindi gaanong alam ang mga tuntunin ng Dios para sa kanila. Nang matuklasan ng pinakapunong pari ang aklat ng Kautusan sa matagal nang napabayaang Templo (2 Hari 22:8), nais ni Haring Josias na marinig ang nilalaman nito.

Nang malaman niya ang sinabi ng Dios tungkol sa idolatriya o ang pagsamba sa ibang dios, inutos niya agad ang malawakang pagbabago para masunod ng buong Juda ang kautusan ng Dios – mga pagbabagong mas higit pa sa pagputol ng anting-anting mula sa busog (Tingnan 2 Hari 23:3-7).

Ngayon, higit pa sa aklat ng Kautusan ang mayroon ang mga nagtitiwala kay Jesus. Nasa atin ang buong Biblia para turuan tayo. Narito tayo para sa isa’t isa. At nasa atin din ang Banal na Espiritu na nagbibigay ng liwanag sa mga bagay, malaki man o maliit, na baka hindi natin mapansin.