“Nakaranas ako ng madilim na panahon,” sabi ng sikat na artistang babae tungkol sa pandemya ng COVID-19. Nahirapan siya sa bagong normal at inamin niyang sumagi sa isip niya ang magpakamatay. Para malampasan ito, binahagi niya ang pinagdadaanan sa kaibigang nagmamalasakit.

Lahat tayo puwedeng makaranas ng madilim na panahon, mahaba man o maiksi. Minsan hindi ito madaling malagpasan at kailangan ang tulong ng dalubhasa sa kalusugang pangkaisipan.

Sa Salmo 143, dinig natin ang dasal ni Haring David sa isang madilim na yugto ng buhay niya. Hindi natin alam ang eksaktong nangyari pero kita sa dasal niya na nagpakatotoo siya at umasa sa Dios. “Ako ay tinutugis ng aking kaaway, lubos na nilupig ng aking kalaban; sa dilim na dako, ako ay nakulong, tulad ko’y patay nang mahabang panahon. Ang kaluluwa ko’y halos sumuko na, sapagkat ang buhay ko’y wala nang pag-asa” (Tal. 3-4 MBB).

Sa mga nagtitiwala kay Jesus, hindi sapat na sabihin ang nangyayari sa atin sa sarili, mga kaibigan o mga dalubhasa. Dapat tayong masigasig na lumapit sa Dios na may panalanging kasama ang mga nag-aalab na kahilingan tulad ng nasa Salmo 143:7-10. Ang madidilim na panahon sa buhay natin puwede rin maging panahon ng taimtim na panalangin – sa paglapit natin sa Dios para sa liwanag at buhay na siya lang ang makakapagbigay sa atin.