Linggo-linggong tumutulong sina Buddy, tatlong taong gulang, at nanay nito na ibaba ang pinamiling panustos mula sa trak na gamit ng simbahan sa pamimigay ng pagkain sa komunidad. Nang ibinalita ng nanay sa lola niya na nasira ang trak, sabi niya, “Naku, paano na ang pamimigay ng pagkain?” Paliwanag ng ina na kailangan lumikom ng pera ang simbahan para makabili ng bagong trak. “May pera ako,” nakangiting sinabi ni Buddy sabay labas ng kuwarto para kunin ang alkansya niyang puno ng barya, halos 38 dolyar.
Hindi man ito gaano kalaki, isinama ng Dios ang perang kaloob ng bata sa kaloob ng iba para makabili ang simbahan ng bagong trak na parang may pridyider sa loob para sa patuloy na paglilingkod sa komunidad nila.
Higit pa nga sa sapat ang maliit na halagang taos-pusong ipinagkaloob kapag inilagay sa kamay ng Dios. Nakatala sa 2 Mga Hari 4 na may isang balong humingi ng tulong kay Propeta Eliseo. Sinabihan siya ng propeta na tingnan kung ano ang mayroon siya, humingi ng tulong sa mga kapitbahay, at sundin ang gabay niya (Tal. 1-4). Sa isang mahiwagang pagtustos, pinadami ng Dios ang kaunting langis ng balo para mapuno ang mga banga na nalikom mula sa mga kapitbahay (Tal. 5-6). Sabi ng propeta, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina” (Tal. 7).
Kapag nakatuon lang tayo sa kung ano ang wala tayo, baka hindi natin makita ang dakilang pagkilos ng Dios sa kung ano ang mayroon tayo.