Gumawa ng world record ang weightlifter na si Paul Anderson sa 1956 Olympics sa kabila ng matinding impeksyon sa tenga at mataas na lagnat. Nangulelat siya noong una at ang tanging pag-asa niya para magka-gold medal ay kung makakagawa siya ng record sa huling event. Nabigo siya sa unang dalawang pagsubok niya.
Kaya ginawa niya ang isang bagay na kaya ring gawin ng pinakamahina sa atin. Tumawag siya sa Dios para humingi ng lakas, binitiwan niya ang sarili niyang lakas. At sa huling event, nabuhat niya ang 187.5 na kilo.
Isinulat ni Pablo, ang apostol ng Dios, “Kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios” (2 Corinto 12:10). Ang sinasabi niya ay espiritwal na lakas, pero alam niyang ang kapangyarihan ng Dios ay “nakikita sa ating kahinaan” (Tal. 9). Gaya ng dineklara ni Propeta Isaias, “Pinalalakas Niya ang mga nanghihina at ang mga napapagod” (Isaias 40:29).
Saan ang daan papuntang kalakasan? Nasa pananatili kay Jesus. “Wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa Akin,” sabi Niya (Juan 15:5). Sinasabi nga lagi ng weightlifter na si Anderson, “Kung ang pinakamalakas na tao sa mundo ay hindi kayang makatapos ng isang araw nang walang lakas ni Jesu-Cristo, paano ka pa?” Puwede nating ihinto ang pagdepende sa sariling lakas, at hilingin sa Dios ang Kanyang malakas at nananaig na tulong.