Noong isinusulat ko ang obituaryo ng nanay ko, pakiramdam ko, masyadong pinal ang salitang namatay para sa pag-asa ko sa pagkikita namin muli sa langit. Kaya ang sinulat ko, “Sinalubong na siya ni Jesus.” Pero may mga araw pa rin na nagluluksa ako habang nakatingin sa mga larawan namin ngayon kung saan wala na ang nanay ko. Nitong nakaraan, natuklasan ko ang isang pintor na gumagawa ng mga larawan ng pamilya, kasali iyong mga pumanaw na.
Ginagamit niya ang larawan ng mga namatay na mahal sa buhay bago ipinipinta iyon kasama ng buong pamilya. Sa bawat hagod ng paintbrush, kinakatawan ng pintor ang pangako ng Dios na isang makalangit na muling pagkikita. Napaluha ako sa tuwa nang maisip na makikita ko muli sa tabi ko ang nakangiting nanay ko.
Nanindigan si Apostol Pablo na ang mga nananampalataya kay Jesus ay hindi kailangang magluksa “gaya ng iba na walang pag- asa” (1 Tesalonica 4:13). “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya ... naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus” (Tal. 14). Kinikilala ni Pablo ang pagbabalik ni Jesus at ipinapahayag na lahat ng mananampalataya ay muli Siyang makakasama (Tal. 17).
Nakakaginhawa ang pangakong ito ng Dios kapag nagluluksa tayo dahil sa pagkawala ng isang mahal sa buhay na nagtiwala kay Jesus. Ang kinabukasan kasama ang ating haring nabuhay muli ay nagbibigay din sa atin ng matatag na pag-asa hanggang sa araw na bumalik si Jesus o kaya tawagin na Niya tayo.