Kahit nabuhay na pagano sa maraming taon ng buhay niya, nagpatupad ng mga reporma ang emperador ng mga Romano na si Constantine (AD 272-337) na nagpahinto sa pagmamalupit sa mga Cristiano. Siya din ang nagtatag ng kalendaryong ginagamit natin ngayon na naghati sa kasaysayan sa BC (before Christ) At AD (anno Domini, o “sa taon ng Panginoon”).
Pero para gawing sekular ang sistemang ito, pinalitan ito at naging CE (Common Era) at BCE (before the Common Era). Sinasabi ng ilan na ito ay halimbawa kung paano inaalis ng mundo ang Dios. Pero hindi naman umaalis ang Dios. Anupaman ang pangalan, nakapaikot pa rin ang ating kalendaryo sa katotohanan na nabuhay si Jesus sa mundo.
Sa Biblia, kakaiba ang aklat ng Ester dahil hindi direktang binanggit dito ang Dios. Pero ang kuwento ay tungkol sa pagliligtas Niya. Pinalayas sa sarili nilang bansa ang mga Judio at namuhay sa isang bansang walang interes sa Kanya. Gusto ng isang makapangyarihang opisyal ng gobyerno na patayin silang lahat (Ester 3:8-9, 12-14). Pero sa pamamagitan ni Reyna Ester at ng pinsan nitong si Mordecai, niligtas ng Dios ang Kanyang bayan, isang kuwentong pinagdiriwang hanggang ngayon tuwing pista ng Purim (9:20-32).
Sa paanong paraan man gustong tumugon ng mundo sa Dios, binago na ni Jesus ang lahat. Pinakilala niya sa atin ang isang di-pangkaraniwang panahon—isang panahon na puno ng tunay na pag-asa at pangako. Ang kailangan lang nating gawin ay tumingin sa paligid. Makikita natin Siya.