“Tingnan mo, Papa! Kumakaway sa Dios ang mga puno!” Habang nanonood kami ng mga ibong nababaluktot sa hangin dahil sa paparating na bagyo, ganyan ang masiglang obserbasyon ng apo ko. Napangiti ako at napatanong sa sarili, Mayroon ba akong ganoon kamalikhain na pananampalataya?
Kitang-kita ang gawa ng Dios sa paligid natin sa lahat ng nakamamanghang ginawa Niya. At isang araw, kapag nabago na ang mundo, makikita natin iyon na ibang-iba na kaysa sa ngayon.
Sinabi ng Dios ang tungkol sa araw na iyon sa pamamagitan ni propeta Isaias, “Ang mga bundok at mga burol ay parang mga taong aawit sa tuwa. At ang lahat ng mga puno ay parang mga taong magpapalakpakan” (Isaias 55:12). Kumakantang mga bundok? Pumapalakpak na puno? Bakit hindi? Isinulat ni Pablo, “Palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios” (Roma 8:21) .
Minsan binanggit ni Jesus ang tungkol sa mga batong sumisigaw (Lucas 19:40), at inulit nito ang propesiya ni Isaias tungkol sa aasahan ng mga lumalapit sa Kanya. Kapag tumingin tayo sa Kanya nang may pananampalataya at iniisip ang mga bagay na Dios lang ang may kayang gumawa, makikita natin ang kahangahanga niyang gawa na magpapatuloy kailanman!