Sumisikat na komedyante si Stephen, at isang tumalikod sa Dios. Lumaki siya sa isang Cristiyanong pamilya pero napuno siya ng pagdududa nang namatay ang tatay at dalawang kapatid niya. Naaksidente ang eroplanong sinasakyan ng mga ito. Iniwan niya ang pananampalatayang kinagisnan noong mahigit dalawampung taong gulang lang siya. Pero isang gabi sa malamig na kalye ng Chicago, may nagbigay sa kanya ng maliit na Bagong Tipan. Nasa talatuntunan ang Mateo 6:27-34 (bahagi ng Mensahe ni Jesus sa Bundok) na akma para sa mga nakakaranas ng pagkabalisa.
Binasa ito ni Stephen at nag-alab ang puso niya. “Biglang gumaan ang pakiramdam ko. Binasa ko ang mensahe sa gitna ng malamig na kalye, at tuluyang nabago ang buhay ko.”
Makapangyarihan nga ang Salita ng Dios. Buhay ang mga salitang nakasulat sa Biblia. Hindi lang natin binabasa ang Biblia; binabasa tayo Nito. “Mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila’y may talim. Ito’y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu... nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso” (Hebreo 4:12 MBB).
Pinakamakapangyarihan ang Salita ng Dios. Kaya tayong baguhin tungo sa paglagong espirituwal. Buksan ito at basahin nang malakas. Pangako Niyang hindi babalik nang walang katuturan ang mga salita Niya at “tutuparin nito ang mga balak, at gagawin nito ang ninanais” (Isaias 55:11 MBB).