May isang pag-aaral ang psychologist na si Robert Emmons kung saan hiniwalay sa tatlo ang mga kalahok at pinagsulat sila ng lingguhang talaan. Sa unang grupo – limang bagay na kanilang ipinagpapasalamat. Sa ikalawang grupo – limang abala sa araw-araw. Sa huling grupo – limang pangyayari na nagkaroon ng epekto sa kanila sa maliit na paraan. Makikita sa resulta ng pag-aaral na mas mabuti ang pakiramdam sa buhay, mas positibo ang pananaw sa hinaharap, at mas kaunti ang ulat ng pagkakasakit ng grupong nagtala ng pasasalamat.

Nababago ng pagpapasalamat ang pananaw natin sa buhay. Kaya rin nitong gawin tayong mas masaya.

Nakatala sa Biblia ang mga pakinabang na dulot ng pagpapasalamat sa Dios dahil mas naaalala natin ang karakter Niya kapag ginagawa natin ito. Makailang-ulit ang paanyaya ng Mga Awit na magpasalamat sa Dios dahil “napakabuti ni Yahweh, pag-ibig Niya’y walang hanggan” (Salmo 100:5) at pasalamatan Siya dahil maaasahan ang pag-ibig Niya at kahanga-hanga ang mga ginawa Niya (107:8, 15, 21, 31).

Sa pagtatapos ng liham ni Apostol Pablo para sa mga taga Filipos (liham ng pasasalamat sa simbahang sumuporta sa kanya), pinagdugtong niya ang mapagpasalamat na panalanging at kapayapaan ng Dios na ‘di kayang maunawaan ng tao” (Tal. 4:7). Kung nakatuon tayo sa Dios at sa kabutihan Niya, magagawa nating manalangin nang walang pangamba, sa lahat ng sitwasyon, nang may pasasalamat. Dulot nito ang kapayapaang bantay sa puso at isip natin at bumabago sa pananaw natin sa buhay.