Noong dekada sitenta, guro ako ng wikang Ingles at coach ng koponan ng basketbol sa hayskul nang nakilala ko ang payat at matangkad na mag-aaral sa unang baytang sa hayskul namin. Naging estudyante ko siya at naging kasapi rin siya ng koponan. Iyon ang simula ng pagkakaibigan namin. Kinalaunan nakatulong ko siya bilang kapwa patnugot. Sa pagdiriwang ng pagreretiro ko, tumayo siya sa tabi ko at ibinahagi ang pamana ng matagal naming pagkakaibigan.
Ano nga ba ang mayroon sa pagkakaibigang puspos ng pag-ibig ng Dios na nagagawa nitong palakasin tayo at lalong mapalapit kay Jesus? Sabi ng sumulat ng Mga Kawikaan, may dalawang sangkap ang pagkakaibigan. Nagbibigay ng mahalagang payo kahit hindi madaling ibigay o tanggapin: “May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan” (Kawikaan 27:6 MBB).
Ikalawa, mahalaga sa panahon ng krisis ang kaibigang malapit at malalapitan: “Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa isang malayong kapatid” (Tal. 10).
Hindi mainam na maglakbay sa buhay nang mag-isa. Sabi ni Haring Solomon, “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa, dahil matutulungan nilang magtagumpay ang isa’t isa” (Mangangaral 4:9). Kailangang magkaroon ng mga kaibigan at maging kaibigan. Nawa tulungan tayo ng Dios na gawin ang Roma 12:10: “Magmahalan kayo bilang magkakapatid” at Galacia 6:2, “Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa,” at maging kaibigan na nagpapalakas ng iba at dinadala sila palapit sa pag-ibig ni Jesus.