May pumapatay ng libu-libong tao sa London noong 1854. Ang akala – baka dahil sa masamang hangin. Tila niluluto ng hindi napapanahong init ang mala-imburnal na Ilog Thames at matinding pasakit sa ilong ang amoy. Tinawag itong “Ang Matinding Alingasaw.” Pero may mas malala pa pala. Natuklasan sa pananaliksik ni Dr. John Snow na ang kontaminadong tubig ang dahilan ng epidemya ng kolera.
Matagal na rin nating alam na may isa pang krisis na kinakaharap ang mga tao na umaalingasaw hanggang sa langit. Namumuhay tayong sugatan sa mundo. Madalas ‘di natin matukoy ang tunay na pinagmulan ng problema at sintomas lang ang nilalapatan natin ng lunas. May mabuting dulot ang mga programa at patakarang panglipunan, pero ‘di nito kayang pigilan ang ugat ng sakit ng tao – ang puso nating makasalanan!
Hindi sakit ng katawan kundi kalagayang espirituwal ng bawat isa ang tinutukoy ni Jesus sa Marcos 7:15, “Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito.” At nakalista ang ilang masasamang bagay na nagtatago sa puso ng tao (Tal. 21-22 MBB).
Katotohanan rin tungkol sa atin ang salmo ni Haring David: “Ako’y masama na buhat nang isilang (Salmo 51:5 MBB). Nanalangin siya, “Isang pusong tapat sa aki’y likhain” (Tal. 10 MBB). Kailangan natin araw-araw ang tapat na pusong iyan na ginawa ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Sa halip na ayusin ang sintomas, hayaan natin na lubusang linisin at ayusin ni Jesus ang pinagmumulan ng problema.
