Muling nakasama ni Feng Lulu ang tunay niyang pamilya matapos ang tatlong dekada. Batang-bata pa lang siya noong dinukot siya habang naglalaro sa labas ng bahay nila. Nahanap siya sa tulong ng grupong All China Women’s Federation. Hindi natandaan ni Feng Lulu ang masamang pangyayari at lumaki siyang iniisip na ipinagbili siya dahil hindi kaya ng mga magulang na kupkupin siya. Nang malaman niya ang totoo, maraming tanong at damdamin ang naglabasan.
Masalimuot ang damdamin ni Jose nang muling nakasama ang mga kapatid. Binenta siya ng mga kuya niya bilang alipin sa Egipto. May serye ng mapapait na karanasan siya doon pero, kinalaunan, inilagay siya ng Dios sa posisyon ng kapangyarihan.
Pumunta ang mga kuya sa Egipto para bumili ng pagkain dahil tag-gutom. ‘Di nila alam na kay Jose pala sila bumibili. Tanggap ni Joseph na tinubos ng Dios ang pagkakamali nila. “Pinauna ako rito ng Dios upang huwag malipol ang ating lahi” (Genesis 45:7 MBB). Pero ‘di niya binago ang tawag sa masakit na ginawa nila - “ipinagbili” siya ng mga kapatid niya (Tal. 5).
Minsan masyadong positibo ang paglalarawan natin sa masasakit na kaganapan. Nakatuon ang isip natin sa mabuting idinudulot ng Dios pero hindi kinikilala ang pakikipagbuno sa damdamin. Maging maingat tayo – ‘wag nating tawaging mabuti ang mali dahil sa tinubos ito ng Dios. Maaaring hanapin ang kabutihang ginagawa ng Dios sa mga pasakit natin habang kinikilala rin ang sakit na dulot ng pagkakamali. Parehong totoo ang dalawang bagay na ito.