Hindi karaniwang kantang pampasko ang “Narinig Ko ang mga Kampana Noong Pasko” na hango sa tula ni Henry Wadsworth Longfellow noong 1863. Imbes na tulad ng nakasanayang saya at tawanan, panaghoy ang mga letra ng awit: “Sa kawalan ng pag-asa niyuko ko na lang ang ulo ko. Sabay sabing walang kapayapaan sa mundo. Kinukutya ng labis-labis na poot ang awiting. Kapayapaan sa mundo’t mabuting hangarin sa bawat tao.” Pero nagpatuloy ang kanta nang may pag-asa at pinaalalang “Hindi patay o tulog ang Dios. Mabubuwag ang mali, ang tama tatayong muli. Na may kapayapaan sa mundo’t mabuting hangad sa bawat tao.”

Makikita rin sa mga awiting panaghoy sa Biblia ang tema ng muling pagsibol ng pag-asa mula sa panaghoy. Isang awit ng panaghoy ang Salmo 43. Nagsisimula ito na isinusumbong sa Dios ang mga kaaway (ᴛᴀʟ. 1) na sinundan ng pagtatanong kung bakit tila nakalimutan na siya ng Dios (ᴛᴀʟ. 2). Pero hindi nagtapos ang mang-aawit sa panaghoy. Tumingala siya sa Dios na hindi niya lubusang nauunawaan pero pinagkakatiwalaan pa rin. Idinagdag niya ito sa awit niya: “Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis? Sa Dios ako ay aasa at sa Kanya mananalig” (ᴛᴀʟ. 5).

Sa buhay natin, maraming dahilan para managhoy at madalas natin itong maranasan. Pero kung hahayaan natin ang panaghoy na ilapit tayo sa Dios ng pag-asa, makakakanta tayo nang masaya – kahit pa sabay ito sa pagtulo ng luha mula sa ating mga mata.