“Hindi na ako ang dating ako. Isa na akong bagong tao.” Ito ang payak ngunit makapangyarihang mga salitang sinabi ng aking anak na si Geoffrey sa mga mag-aaral sa

isang pagtitipon sa paaralan. Sumasalamin ito sa pagbabagong ginawa ng Dios sa kanyang buhay. Nalulong kasi siya noon sa droga, kaya nakita niya ang sarili batay sa kanyang mga kasalanan at pagkakamali. Ngunit ngayon, nakikita niya ang kanyang sarili bilang isang anak ng Dios.

Ito naman ang pangako mula sa Biblia: “Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya” (2 CORINTO 5:17). Anuman ang ating nakaraan, sino man tayo at ano man ang ating nagawa, kapag nagtiwala tayo kay Jesus para sa ating kaligtasan at tinanggap ang kapatawarang iniaalok Niya sa krus, nagiging bagong tao tayo. Mula pa sa hardin ng Eden, nalayo tayo sa Dios dahil sa ating kasalanan. Ngunit ngayon, napanumbalik tayo sa Dios “sa pamamagitan ni Cristo,” at “hindi na ibinibilang na laban sa [atin] ang [ating] mga kasalanan” (TAL. 18-19). Tayo ang Kanyang mga minamahal na anak (1 JUAN 3:1-2), nilinis at binago upang maging kawangis ng Kanyang Anak.

Pinalaya tayo ni Jesus mula sa kasalanan at sa kapangyarihan nito. Pinanumbalik din Niya ang ating relasyon sa Dios Ama. Kaya naman hindi na umiikot sa sarili ang buhay natin, kundi “para sa Kanya na namatay at nabuhay para sa [atin]” (2 CORINTO 5:15). Ang nakakapagbagong pag-ibig ng Dios ang nagtutulak sa atin upang mamuhay nang may bagong pagkakakilanlan at layunin. Dahil din sa Kanyang pag-ibig, matutulungan natin ang iba na matagpuan din ang ating Tagapagligtas, na Siyang tanging makapagbabago sa kanila.