Malungkot na naglalakad sa mahabang pasilyo si Keith. Makikita ang panginginig ng kanyang mga kamay, senyales na mayroon siyang sakit na tinatawag na Parkinson’s Disease. Iniisip niya kung ano na ang mangyayari sa kanya, at kung ano ang sasabihin ng kanyang asawa at mga anak. Pero binasag ng malakas na tawanan ang pagmumuni-muni niya. Mula kasi sa kinatatayuan ni Keith, makikita ang mag-ama na tuwang-tuwa. Habang itinutulak ng tatay ang wheelchair kung saan nakaupo ang kanyang anak, masaya silang nag-uusap. Kitang-kitang mas mahirap ang sitwasyon ng bata kumpara kay Keith. Gayon pa man, pinili ng bata at ng kanyang tatay na magalak sa kabila ng kanilang nararanasan.

Parang wala namang dahilan si Apostol Pablo na magalak habang sumusulat siya sa mga taga-Filipos. Nakabilanggo kasi siya at naghihintay ng resulta matapos siyang litisin (ꜰɪʟɪᴘᴏꜱ 1:12-13). Nag-aalala rin si Pablo dahil si Nero na isang masamang emperador ang nagpalitis sa kanya. May ilan pang mga tagapagturo noong nagnanais gumawa ng kaguluhan habang nakakulong si Pablo (ᴛᴀʟ. 17).

Sa kabila ng mga naranasan ni Pablo, pinili niya pa ring magalak (ᴛᴀʟ. 18-21). At sinabi niya sa mga taga-Filipos na tularan ang kanyang ginawang halimbawa: “Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!” (4:4). Maaaring nasa mahirap tayong sitwasyon ngayon, pero ating alalahanin na kasama natin si Jesus. Si Jesus na nabuhay muli ang Siyang muling babalik upang makasama natin. Sa bagong taong ito, magdiwang at magalak tayo!