Isang uri ng batong lumilikha ng tunog ang bluestone. Kapag hinampas ang iba’t ibang bluestone, lumilikha ang mga ito ng himig. Ginagamit noon ng mga taga Maenclochog ang bluestone bilang kanilang kampana sa simbahan. Isang malakas na ugong ang maririnig sa buong bayan kapag hinahampas na ang kampanang gawa sa bluestone. Nakatutuwa ring isiping ang sikat na pasyalan sa England na Stonehenge ay gawa rin sa bluestone. Kaya naman, iniisip ng iba na nilikha ang Stonehenge para lumikha ng musika. Sinasabi naman ng ibang sa Maenclochog galing ang mga bluestone na ginamit sa Stonehenge.
Isa lamang ang bluestone sa maraming nakamamanghang nilikha ng Dios. Naalala ko naman ang sinabi ng Panginoong Jesus noong araw na papasok siya sa bayan ng Jerusalem. Habang maraming tao ang nagpupuri sa pagdating ni Jesus, marami ring mga relihiyosong lider ang nag-utos kay Jesus na patigilin ang mga tao sa kanilang ginagawa. Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi Ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri” (ʟᴜᴄᴀꜱ 19:40).
Kung nagagawa ng bluestone na makalikha ng isang himig, at kung sinabi ni Jesus na maging ang mga bato ay magagawang purihin ang kanyang Manlilikha, paano naman tayo nagpupuri sa Dios? Paano natin pasasalamatan ang nagmahal at nagligtas sa atin? Nararapat na sambahin ng buong sangnilikha ang Dios. Kaya naman, humingi tayo ng gabay mula sa Banal na Espiritu upang magawa nating purihin at sambahin ang Dios.