Nagulat ang mga naninirahan sa Olten, Switzerland nang makita nilang nabalot ng tsokolate ang buong bayan. Nasira kasi ang makina ng isang pabrika ng tsokolate kaya nagkalat ang mga ito sa buong paligid. Tila natupad ang panaginip ng isang taong mahilig sa tsokolate sa pangyayaring ito.

Nagkaloob din naman ang Panginoon ng pagkain para sa mga Israelita noong nasa disyerto sila. Nagreklamo sila kay Moises na wala na silang makain mula nang umalis sila sa Egipto. Dahil dito, nagkaloob ang Dios ng pagkain mula sa langit para sa kanila (EXODUS 16:4). Tuwing umaga, nababalot ang lupa ng matamis na tinapay mula sa langit o manna. Inutusan ng Dios ang mga Israelita na kumuha lamang ng sapat na manna para sa bawat araw. Sa loob ng apatnapung taon, hindi nagkulang ang Dios sa pagkakaloob ng pagkain para sa mga Israelita.

Sa Biblia, inilarawan ang manna na “para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot” (TAL. 31). Hindi man nakakaakit ang lasa ng manna tulad ng sa tsokolate, pero ito ang patunay ng kabutihan ng Dios. Pinapaalala ng manna na ipinagkaloob ni Jesus ang buhay Niya para sa atin. Siya ang “Tinapay ng buhay” (JUAN 6:48). Pinagkalooban Niya rin tayo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus (TAL. 51).