Hindi mga piloto ang magkapatid na Orville at Wilbur Wright. Hindi sila nakapagtapos ng kolehiyo. Mga ordinaryong mekaniko sila ng bisikleta na nangarap lumipad. Noong Disyembre 17, 1903, pinagtulungang paliparin ng magkapatid ang eroplanong Wright Flyer sa apat na pagkakataon. Tumagal lamang ng isang minuto ang pagpapalipad dito pero malaki ang naiambag nito sa mundo.
Wala rin namang sapat na karunungan sina Pedro at Juan para mangaral ng Salita ng Dios. Mga ordinaryong mangingisda lang sila. Pero puspos sila ng Banal na Espiritu kaya matapang nilang binahagi ang mensahe ng kaligtasan. “Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lamang” (GAWA 4:12).
Hindi kinilala ng mga kapitbahay nina Orville at Wilbur ang tagumpay nila. Walang naniwala sa kanila. Maraming taon ang ginugol ng magkapatid para mas maging maayos ang pagpapalipad ng eroplano. Lumipas na ang maraming panahon at saka lang binigyang halaga ang ginawa ng magkapatid.
Hindi rin naman kinilala sina Pedro at Juan ng mga tagapagturo ng batas. Pinatigil nila ang dalawa sa pagpapahayag ng Salita ng Dios sa iba. Pero hindi napigilan ang dalawang ordinaryong taong ito. Ayon kay Pedro, “Hindi pwedeng hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig” (TAL. 20).
Maaaring mga ordinaryong tao lamang tayo sa mundong ito. Pero ang Banal na Espiritu ang tutulong sa atin para maging tagapagpahayag ng Salita Niya.