Nag-aalaga kami ng asawa ko ng mga asong magsisilbing katulong ng mga taong may kapansanan. Bahagi ng pagsasanay ng mga aso ang pag-aalaga sa kanila ng mga bilanggo. Si Jason ay isang bilanggong tumutulong sa pag-aalaga ng mga aso. Nagulat ang asawa ko nang makatanggap ng sulat mula rito. Ibinahagi ni Jason ang malungkot niyang nakaraan. Pero sinabi niya, “Si Snickers ang panglabing-pitong asong inalagaan ko. Siya ang pinakamagaling sa kanila. Sa tuwing nakatingin siya sa akin, alam kong may nagawa akong tama sa buhay ko.”

Hindi lang si Jason ang may mga pinagsisisihan sa buhay. Tayong lahat ay may mga ganito. Sa Biblia naman, marami ring bagay na pinagsisihan si Manaseh sa kanyang buhay. Nasusulat sa 2 Cronica 33 ang mga maling bagay na ginawa niya: gumawa ng mga altar para sa dios-diosan, gumamit ng kulam, at inialay nang buhay ang mga anak niya (TAL. 6). Hindi naging maganda ang pamumuno niya sa buong bansa (TAL. 9).

Tinawag ng Dios si Manaseh at ang mga tao upang magbalik- loob sa Kanya at gumawa ng tama. Pero hindi sila nakinig (TAL. 10). Nakuha ng Panginoon ang atensyon ni Manaseh. Sinakop sila ng mga taga-Babilonia at dinala sila roon (TAL. 11). Dahil dito, nanalangin si Manaseh. “Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios” (TAL. 12). Pinakinggan siya ng Dios at ibinalik muli bilang hari. Tinalikuran na ni Manaseh ang mga mali niyang gawa at sumunod siya sa Dios.