Isang masayahin at mabait na bata si Louise. Pero sa edad na lima, nagkaroon siya ng isang hindi pangkaraniwang karamdaman. Binawian siya ng buhay na nagdulot ng matinding kalungkutan sa mga magulang niyang sina Day Day at Peter. Nakiramay kami sa pamilya nila.
Kahit matindi ang lungkot sa puso ng mag-asawang Day Day at Peter, may pag-asa sa mga puso nila. Tinanong ko si Day Day kung saan sila kumukuha ng lakas mula sa pagpanaw ni Louise. Sabi niya, “Nagagalak kami kahit hindi na namin kapiling si Louise dahil alam naming kasama na niya si Jesus. Binibigyan din kami ng Dios ng pag-asa at kalakasan na magpatuloy sa buhay na ito at paglingkuran Siya.”
Ang kalakasan at pag-asang ito ni Day Day ay nagmumula lamang sa Dios. Tiyak at sigurado ang tinutukoy na pag-asa sa Biblia. Mapapagkatiwalaan ang Dios sa lahat ng pagkakataon. Kapag dumaranas tayo ng matinding kalungkutan, maaari nating panghawakan ang sinabi ni Pablo sa mga nagluluksa niyang kaibigan, “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus, at isasama Niya kay Jesus” (1 TESALONICA 4:14).
Maging pag-asa at kalakasan nawa natin ang pangakong ito ng Dios.