Isang aksidente sa tren ang naganap sa bansang Espanya. Sakay ng tren ang 218 katao. Pitumpu’t siyam na katao ang nasawi at 66 naman ang nasugatan mula sa aksidente. Hindi maipaliwanag ng drayber ng tren ang naganap. Pero kitang-kita sa video ang buong pangyayari. Napakabilis ng takbo ng tren hanggang sa sumalpok ito. May tinatalagang bilis ng takbo ang mga tren. Pero hindi ito sinunod ng drayber na nagresulta sa isang malagim na aksidente.

Sa Biblia naman, sinasabi sa Deuteronomio 5 na muling pinaalalahanan ni Moises ang mga Israelita tungkol sa utos ng Dios. Sinabi ni Moises sa mga ito na manatili sa Dios at sa mga utos Niya (TAL. 3, 7-21). Pinaalala rin ni Moises sa mga kababayan niya ang mga bunga ng pagsuway sa Dios. Dahil dito, muli niyang hinikayat ang mga Israelita na magpakumbaba at manatiling tapat sa Dios. Pinagkaloob ng Dios ang mga utos para sumunod sa Kanya ang mga tao at huwag silang mapahamak.

Inaanyayahan din tayo ng Dios na manatili sa Kanya. Nariyan ang mga Salita Niya na nagsisilbing gabay para sa buhay natin. Ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu para matuto tayong sumunod at magtiwala sa Kanya nang buong puso.