Nakaaantig ng puso ang isang tradisyon sa University of Iowa tuwing mayroon silang larong football. Katabi ng Kinnick Stadium ang Stead Family Children’s Hospital. Mula sahig hanggang kisame ang bintanang gawa sa salamin ng ospital kaya makikita ang istadyum mula roon. Tuwing may laro, puno ang palapag na iyon ng mga batang maysakit at mga bantay nila para manood. Pagkatapos ng unang yugto, titingin sa taas ng ospital ang mga manlalaro, mga coach, at libu-libong manonood at kakaway sa kanila. Sa mga saglit na iyon, nagliliwanag ang mga mata ng mga batang maysakit. Matinding karanasan para sa mga batang makitang huminto sa laro ang mga manlalaro at mga nanonood sa istadyum at sa telebisyon para ipakitang nagmamalasakit sila.
Turo nga ng Biblia sa may kapangyarihan (at lahat tayo mayroon kahit paano) na alagaan ang mahina, bantayan ang nagdurusa, at arugain ang sugatan. Pero madalas, ‘di natin pinapansin ang mga nangangailangan (EZEKIEL 34:6). Sinaway nga ni Propeta Ezekiel ang pagkamakasarili at pagpapabaya ng mga pinuno ng Israel sa mga pinakanangangailangan. “Nakatakda na ang parusa sa inyo,” sabi ng Dios sa pamamagitan ng propeta. “Hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay” (TAL. 2, 4).
Gaano kadalas makita sa sariling pagpapahalaga, pilosopiya ng pamumuno, at patakarang pangkabuhayan ang pagwawalang- bahala natin sa mga nagdurusa? Nawa sundin natin ang pamamaraan ng Dios. Nawa kalingain ng malalakas ang mahihina (TAL. 11-12).