"Huy, Poh Fang!" Mensahe sa text ng isang kapatid sa Panginoon. "Isabuhay natin ang sinasabi ng Santiago 5:16 sa care group natin ngayong buwan. Gawin natin itong lugar kung saan ligtas ang magpakatotoo. Iyong puno ng tiwala at kasiguraduhang ‘di ikakalat ang kuwento. Para puwede nating ibahagi kung saan tayo nahihirapan at maipanalangin natin ang isa’t isa.”

‘Di ko alam kung ano ang isasagot noong una. Kasi kahit matagal na kaming magkakakilala, ‘di pa namin naikuwento sa isa’t isa ang lahat ng paghihirap namin. Nakakatakot naman kasi talaga ang magbukas ng puso at magpakatotoo.

Pero ang totoo, makasalanan at nahihirapan tayong lahat. At kailangan natin si Jesus. Makakatulong ang totoo at malalim na pag-uusap tungkol sa kamangha-manghang kagandahang loob ng Dios upang patuloy tayong magtiwala sa Kanya. Makabubuting itigil natin ang pagpapanggap na wala tayong kahit anong problema sa buhay. Kaya nga, “Sige! Gawin natin iyan!” ang sagot ko. Sa simula, ‘di madali. Nakakapanibago. Pero noong may nagsimula nang magbahagi, isa isa na ring sumunod ang iba. May tahimik lang, pero may pagkakaunawaan. Walang pinilit o napilitan. Bilang pagtatapos, sinunod rin namin ang ikalawang bahagi ng Santiago 5:16, “Ipanalangin ang isa’t isa.”

Sa araw na iyon, naranasan ko ang ganda ng samahan ng mga na kay Jesus. Dahil sa parehong pagtitiwala kay Cristo, puwedeng magpakatotoo sa isa’t isa at umasa sa Dios at sa kapwa, para magtulungan sa kahinaan at paghihirap natin.