Naantig ang puso nina Phil at Sandy sa mga kuwento tungkol sa mga batang refugee o mga dayuhang naghahanap ng kukupkop sa kanila. Kaya’t binuksan nila ang puso’t tahanan nila para sa dalawa sa mga ito. Matapos sunduin sa paliparan ang dalawa, kabado sila at tahimik na nagmaneho pauwi sa bahay. Handa ba sila? ‘Di nila kapareho ng kultura, salita, at relihiyon ang mga bata, pero naging kanlungan sila para sa mga bata.

Sa Biblia, naantig rin ang puso ni Boaz sa kuwento ni Ruth. Nilisan niya ang mga kababayan niya para alagaan ang biyenang si Naomi. Kaya nang mapunta si Ruth sa bukid ni Boaz para mamulot ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani, pinanalangin ni Boaz ang biyayang ito para sa kanya, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon dahil sa iyong ginawa. Malaking gantimpala nawa ang matanggap mo mula sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pinagkanlungan mo” (RUTH 2:12).

Ipinaalala ito ni Ruth sa kanya isang gabing nagambala niya ang tulog nito. Nagising si Boaz dahil sa kaluskos sa may paanan niya at nagtanong, “Sino ka?” Sagot niya, “Ako po si Ruth. Isa po ako sa malapit nʼyong kamag-anak na dapat nʼyong pangalagaan. Takpan nʼyo po ako ng damit ninyo para ipakita na pakakasalan at pangangalagaan nʼyo ako” (3:9).

Pinakasalan ni Boaz si Ruth para kanlungin ito. Naging apo nila sa tuhod si Haring David na nagpuri sa Dios ng Israel: “Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios! Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo” (SALMO 36:7).