Nahirapan makahanap ng murang bahay na malapit sa pagtatrabahuhan niya si Nadia. Dalawampung taong gulang siya noon at naghahandang magtapos sa kolehiyo. Samantala, iniisip naman ni Judith, na animnapu’t-apat na taong gulang, na umalis na sa bahay na kinalakihan dahil malaki ito para sa nag-iisang tulad niya. Pareho silang pumunta sa isang home-sharing agency na pinagtatagpo ang mga batang nangungupahan at mga ‘di ganoong kabata na handang magbukas ng tahanan nila. Ngayon, tatlong taon na silang magkasama at pareho silang nakikinabang. ‘Di lang sa pagtitipid ng pera, kundi pati rin sa pakikipag-ugnayan, pagtutulungan sa gawaing bahay, at pagbabahagi ng karunungan.
Pagkakataon ang paninirahan kasama ang ibang henerasyon, para makapagbahagi ng karunungang naipon mula sa pamumuhay. Isang atas nga ng Dios sa mga tagasunod na ibahagi ang karunungan Niya sa mga susunod na salinlahi. Nagpasya ang salmistang si Asaph na ibahagi sa susunod na salinlahi ang mga bagay na isinalaysay sa kanila ng mga ninuno nila para maituro rin nila ang mga ito sa mga anak nila (SALMO 78:3, 6). Para sana magtiwala rin sa Dios ang mga nakababata, huwag nila malimutan ang mga ginawa Niya, at sundin rin nila ang mga utos ng Dios (TAL. 7).
Kung hahayaan nating matuto tayo mula sa mga taong matuwid na kabilang sa ibang henerasyon, at kung handa tayong ibahagi ang mga karunungang ating natutunan, nagiging daluyan tayo ng katotohanan Niya para sa mas maraming tao.