“Katulad ka ni Moises; pinalaya mo kami mula sa pagkaalipin!" Napabulalas si Jamila, isang manggagawa ng tisa na pinapainitan sa hurno sa Pakistan. Nagdurusa ang buong pamilya niya dahil sa laki ng pagkakautang nila sa may-ari ng hurno. Pambayad lang sa interes ang malaking bahagi ng kinikita nila. Kaya ganoon na lang ang kaluwagang naranasan nila dahil sa regalo mula sa isang organisasyong pangkawanggawa na nagpalaya sa kanila sa pagkakautang. Nang nagpasalamat sila sa kinatawan, hinalintulad ni Jamila, ang naranasan nila sa pagpapalaya ng Dios sa mga Israelita mula sa pagkakaalipin.
Ilang daantaon nang inaapi ng mga Egipcio ang mga Israelita. Malupit ang sitwasyon nila sa pagtatrabaho. Kaya dumaing sila at humingi ng saklolo sa Dios (EXODUS 2:23). Pero lalo pang bumigat ang trabaho nila dahil ipinag-utos ng Faraon na mangalap din sila ng dayaming gagamitin nila sa paggawa ng tisa (5:6-8). Sa patuloy nilang pagdaing sa Dios, inulit ng Dios ang pangakong Siya ang magiging Dios nila (6:7). Hindi na sila magiging alipin dahil palalayain Niya sila sa pamamagitan ng kapangyarihan Niya (TAL. 6). Sa utos ng Dios, pinamunuan ni Moises ang pagpapalaya sa mga Israelita mula sa Egipto (KAB. 14).
Hanggang ngayon, patuloy pa ring nagliligtas ang Dios. Bukas palad at nakadipa ang bisig ng Anak Niyang si Jesus nang ipako sa krus. Sa pamamagitan Niya, pinapalaya tayo sa mas higit na pagkakaalipin—sa kasalanan. Salamat sa Dios, ‘di na tayo alipin. Malaya na tayo!