Hindi matagumpay ang operasyon ni Joan kaya sasailalim ulit siya sa isa pa paglipas ng limang linggo. Sa pagdaan ng mga araw, lalong lumaki ang pangamba niya. May edad na kasi silang mag-asawa at nasa malayo ang pamilya nila. Kailangan nilang magmaneho papunta sa isang lungsod na bago sa kanila. Kailangan din nilang alamin ang masalimuot na sistema ng ospital at kumonsulta sa bagong espesyalista.
Malaking hamon ito, pero inalagaan sila ng Dios. Nasira man ang gabay sa nabigasyon ng kotse nila, may dala naman silang mapang papel kaya nakarating pa rin sila sa takdang oras. Binigyan sila ng Dios ng karunungan. Sa ospital, ipinagdasal sila ng isang pastor na nagpapahayag ng Salita ng Dios. Nangako itong tutulungan sila. At nang natapos ang operasyon, natanggap ni Joan ang magandang balita: matagumpay ito.
‘Di man laging pagpapagaling at pagliligtas ang karanasan natin, matapat ang Dios at malapit Siya sa mga mahihina—bata, matanda, o naaagrabyado. Noong pinanghinaan ng loob ang mga Israelita dahil binihag sila sa Babilonia, pinaalala sa kanila ni Propeta Isaias na inalalayan na sila ng Dios simula pa nang ipanganak sila. At patuloy Niya silang aalagaan. Sinabi ng Dios sa pamamagitan ng propeta, “Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok” (ISAIAS 46:4).
‘Di magpapabaya ang Dios sa panahong pinakakailangan natin Siya. Kaya Niyang tustusan ang mga pangangailangan natin at ipaalala sa atin na kapiling natin Siya sa bawat yugto ng buhay. Siya ang Dios ng lahat ng araw natin.