Hatid sundo ko si Xavier noong nasa elementarya siya. Isang araw, nasira ang mga plano ko kaya nahuli ako sa pagsundo sa kanya. Ipinarada ko ang kotse at nag-aalalang nagdasal habang tumatakbo papunta sa silid aralan niya. Nakita ko siyang yakap ang bag niya habang nakaupo katabi ang isang guro. “Pasensya ka na, anak. Ayos ka lang ba?” Bumuntong hininga siya. “Ayos lang ako pero galit ako sa’yo dahil ang tagal mo.” Masisisi ko ba siya? Galit din ako sa sarili ko. Mahal ko ang anak ko, pero alam kong magkakaroon ng maraming pagkakataon na mabibigo ko siya. Alam ko ring baka isang araw, makakaranas siya ng kabiguan sa Dios. Kaya sinikap kong ituro sa kanya na hindi kailanman sisira sa pangako ang Dios.
Sa Biblia, hinihimok tayo ng Salmo 33 na ipagdiwang ang katapatan ng Dios gamit ang masasayang papuri (TAL. 1-3) dahil “Ang salita ng Panginoon ay matuwid, at maaasahan ang kanyang mga gawa” (TAL. 4). Ipinakita ng salmista na patunay ng kapang- yarihan at pagkamaaasahan ng Dios ang mundong nilikha Niya (TAL. 5-7). Batay dito, tinatawag niya ang buong daigdig na sumamba sa Dios (TAL. 8).
Kapag nasira ang mga plano natin o binigo tayo ng mga tao, maaaring matukso tayong isipin na binigo tayo ng Dios. Pero ang totoo, makakaasa tayo sa katapatan ng Dios dahil “mananatili magpakailanman” ang mga plano Niya (TAL. 11). Puwede tayong magpuri sa Kanya kahit nagkakagulo ang lahat dahil hawak Niya ang lahat ng tao at lahat ng bagay. Walang hanggan ang katapatan Niya.