‘Pag nakinig ka sa mga kwento ng mga nakakulong, malalaman mong pag-iisa at lungkot marahil ang pinakamahirap para sa kanila. Katunayan, nalaman sa isang pag-aaral na kahit gaano katagal ang sentensya, dalawang beses lang nadadalaw ng kaibigan o pamilya ang karamihan sa kanila. Kaya hindi maikakaila ang kalungkutan nila.

Sa Biblia, ganyan marahil ang naramdaman ni Jose na nakulong dahil sa hindi makatarungang bintang. May munting liwanag ng pag-asa: habang nasa kulungan, tinulungan ng Dios si Jose na ipaliwanag ang panaginip ng pinagkakatiwalaang tagapaglingkod ng Faraon, na nakakulong din noon. Sinabi sa kanya ni Jose na ibabalik siya sa tungkulin, at hiniling ni Jose sa kanya na banggitin kay Faraon ang nangyari sa kanya para mapalaya siya. (GENESIS 40:14). “Pero hindi naalala ng pinuno ng mga tagasilbi ng alak si Jose” (TAL. 23). Dalawang taon pa ang hinintay ni Jose. Sa mga panahong iyon, walang senyales na magbabago ang sitwasyon niya. Pero hindi talaga nag-iisa si Jose dahil kasama niya ang Dios. Kinalaunan, naalala si Jose ng tagapaglingkod ni Faraon at nakalaya siya matapos maipaliwanag ang isa pang panaginip (41:9-14).

Ano man ang dahilan ng pakiramdam nating nakalimutan na tayo, at ang lungkot na kasama nito, panghawakan natin ang pangako ng Dios sa mga anak Niya: “Hindi Ko kayo kakalimutan kahit sandali” (ISAIAS 49:15 ᴍʙʙ).