Anim na taong gulang lang si Bridger Walker nang sunggaban ng aso ang nakababatang kapatid niyang babae. Humarang si Bridger para proteksyunan ang kapatid. Matapos makatanggap ng agarang lunas at siyamnapung tahi sa mukha, ipinaliwanag ni Bridger ang naging aksyon niya, “Kung may mamamatay, ako na lang.” Salamat at natulungan ng plastic surgery si Bridger upang gumaling ang kanyang mukha. Kamakailan, kumalat ang mga larawan kung saan yakap yakap ni Bridger ang kapatid. Patunay itong nanatili ang matinding pagmamahal niya sa kapatid.
Kung nasa perpekto tayong mundo, nagbabantayan at nag- aalagaan ang bawat pamilya. Tinutulungan tayo ng kapatid natin ‘pag may problema tayo at sinasamahan tayo ‘pag natatakot o mag- isa tayo. Pero sa totoo, hindi perpekto kahit ang pinakamabuting kapatid. Minsan nasasaktan nila tayo. Pero mayroon tayong isang kapatid na laging nasa tabi natin—si Jesus. Sinasabi sa atin sa aklat ng Hebreo na dahil sa pag-ibig, “naging tao rin si Jesus”...“upang maging tulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay” (2:14, 17). Ang resulta niyan: si Jesus ang pinakatunay nating kapatid, at masaya Siyang tawagin tayong “mga kapatid niya” (TAL. 11).
Itinuturing natin si Jesus bilang Tagapagligtas, Kaibigan, at Hari—at totoo naman ang mga iyan. Pero tandaan natin, Kapatid rin natin si Jesus. Naranasan Niya lahat ng takot at pagsubok ng tao, lahat ng lungkot at panlulumo. Kaya, palaging nariyan sa ating tabi ang Kapatid natin.