Noong 1917, tuwang-tuwa ang isang mananahi nang makapasok siya sa isang sikat na paaralan ng pagdidisenyo ng damit sa lungsod ng New York sa Amerika. Ngunit nang dumating si Ann Lowe Cone mula sa Florida para magpatala, itinaboy siya ng direktor ng paaralan: “Prangkahin na kita, Mrs. Cone. ‘Di namin alam na Negra ka.” Pero ayaw niyang umalis kaya bumulong siya ng panalangin: “Sige na po, hayaan Mo po akong manatili dito.” Dahil nakitang pursigido siya, hinayaan ng direktor na manatili si Ann, pero hindi siya pinapasok sa silid-aralan. Binuksan lang ang pinto sa likod para “marinig [niya] ang tinuturo.”
‘Di maipagkakaila ang galing ni Ann. Nagtapos siya nang mas maaga ng anim na buwan. Nagustuhan rin ng mga kliyenteng nakatataas sa lipunan ang mga gawa niya. Si Ann ang gumawa ng sikat na damit pangkasal ni Jacqueline Kennedy na dating unang ginang ng Amerika. Dalawang beses niyang ginawa ang damit, sa tulong ng Dios. Nasira kasi ang una nang sumabog ang tubo ng tubig sa taas ng patahian niya.
Makapangyarihan ang ganoong pagpupursige, lalo na sa pagdarasal. Sa talinhaga ni Jesus tungkol sa isang balo, paulit-ulit nagmakaawa ang balo sa tiwaling hukom para humingi ng katarungan. Sa simula, tinanggihan siya nito, pero kinalaunan, “bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit” (LUCAS 18:5). Puspos ng higit na pag-ibig, “Ang Dios pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi?” (TAL. 7). Ibibigay ito ng Dios, ayon kay Jesus (TAL. 8). Sa tulong ng Dios, magtiyaga tayo sa pananalangin at huwag sumuko. Ayon sa oras Niya at perpektong paraan, sasagot ang Dios.